-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa plano ni US President Donald Trump para matapos na ang giyera sa Gaza.

Personal na bumisita si Netanyahu sa White House kung saan sinabi nito na ang nasabing desisyon ay isang kritikal na hakbang para matapos ang giyera at makamit ang kapayapaan sa Gitnang Silangan.

Pinasalamatan naman ni Trump si Netanyahu matapos na tanggapin nito ang kaniyang plano.

Nakahanda rin si Trump na pamunuan ang transitional “Board of Peace” para sa Gaza.

Naniniwala din si Trump na tutugon din ang Hamas sa mga kondisyon na inilahad niya para tuluyang matapos na ang kaguluhan.

Kabilang sa mga plano ay ang pansamantalang pamumunuan ang Gaza ng technocrat government at hindi papayagan na sakupin ito ng Israel.

Walang aalis sa Gaza dahil ito ay muling itatayo at kapag tinanggap na ang plano ay agad na ititigil ang giyera at sa loob ng 72 oras ay papalayain na ang mga bihag.

Ang mga Hamas na tutugon ay bibigyan ng amnestiya habang ang kontra ay bibigyan ng tsansa na makaalis at pumunta sa mga bansang tatanggap sa kanila.

Regional at International forces ay siyang magbibigay ng seguridad kung saan sasanayin nila ang mga Palestine police at lahat ng tulong ay dadaloy sa Gaza.