Muling naglabas ng abiso ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, D.C. para sa mga Pilipinong nasa silangang bahagi ng Estados Unidos kaugnay ng inaasahang pagtama ng winter storms ngayong weekend.
Pinayuhan ng Embahada ang mga komunidad ng Pilipino na sundin ang mga babala ng lokal na pamahalaan at magsagawa ng kinakailangang paghahanda dahil sa posibleng malakas na pag-ulan ng niyebe, delikadong kondisyon sa pagbiyahe, at matinding lamig. Kabilang sa mga inaasahang apektadong lugar ang Southern Appalachians, Carolinas, at southern Mid-Atlantic.
Binigyang-diin ng Embahada na prayoridad nito ang kaligtasan ng mga Pilipino at hinikayat ang mga ito na bantayan ang weather updates, iwasan ang hindi kailangang biyahe, at siguraduhing ligtas ang mahahalagang dokumento.
Samantala, iniulat na umabot na sa hindi bababa sa 38 ang nasawi sa 14 na estado dahil sa matinding lamig, kabilang ang 10 sa New York City. Nagdulot din ang winter storms ng brownout sa mahigit 550,000 kabahayan sa buong bansa.
Tinatayang halos 200 milyong Amerikano ang patuloy na saklaw ng mga babala sa matinding lamig hanggang Pebrero 1, 2026. (report by Bombo Jai)
















