DAGUPAN CITY – Patay ang isang negosyante matapos na pinagbabaril ng isa sa apat na mga holdaper sa lungsod ng San Carlos.

Nakilala ang biktima na si Melchor Caoile, 42, at residente sa nasabing lungsod.

Kasama ng biktima ang kaniyang maybahay na si Jacqueline Caoile, 44, nang mangyari ang hold up incident sa kahabaan ng barangay road ng Sitio Imbo sa Barangay Balayong, sa nasabing siyudad na tinatayang nasa 3 kilometro ang layo mula sa himpilan ng kapulisan sa nasabing bayan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad na umalis ang mag-asawa sakay ng kanilang motorsiklo dala ang perang nagkakahalaga ng humigit kumulang P200,000 mula sa kanilang bahay patungong Barangay Talebaew sa bayan ng Calasiao nang bigla silang tambangan ng apat na naka-helmet na mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo sa barangay road ng Sitio Imbo at saka tinutukan ng baril ang mag-asawa.

Nanlaban daw ang naturang negosyante at sa kasamaang palad ay nagtamo ng maraming tama ng baril sa katawan.

Hindi naman dinamay ng mga suspek ang maybahay nito.

Tinangay ng mga kawatan ang pera at mabilis na nakatakas patungong Barangay Bolingit sa nasabing lungsod.

Isinugod ang biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Agad namang inabisuhan ng otoridad ang mga kalapit na bayan para magsagawa ng dragnet operation habang ang San Carlos PNP ay nagsasagawa na ng hot pursuit operation para madakip ang mga nakatakas na suspek.