Posibleng maging tropical depression ang namataang low-pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob ng susunod na 24 oras.
Ayon sa weather advisory ng state weather bureau, huling namataan ang LPA sa 2,350 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon nitong Linggo ng hapon.
Samantala, patuloy paring makakaapekto ang southwest monsoon o habagat sa Central at Southern Luzon, gayundin ang kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao. Habang mananalanta rin ang epekto ng intertropical convergence zone (ITCZ) sa silangang bahagi ng Mindanao.
Magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ang Davao Region at Surigao del Sur dahil parin sa ITCZ.
Makararanas din ng kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila, CALABARZON, SOCCSKSARGEN, Pangasinan, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan dahil parin sa habagat.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan naman ang mararanasan sa Bicol Region, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro region, at nalalabing bahagi ng Central Luzon at MIMAROPA.
Nabatid din na ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng localized thunderstorms.
Ibinabala rin ng weather bureau ang posibleng flash floods at landslides dulot ng katamtaman hanggang malalakas na ulan sa mga nabanggit na lugar.