-- Advertisements --

Nasamsam ng awtoridad ang tinatayang P960M na halaga ng ipinuslit na sigarilyo sa magkakahiwalay na operasyon na ikinasa ng pulisya sa Bataan at Pampanga nitong Lunes, Setyembre 7.

Hinarang ang labinlimang truck na may kargang kahina-hinalang shipment matapos itong manmanan ng Police Regional Office ng Central Luzon (PRO-3) na pare-parehas manggaling sa isang pribadong seaport sa Mariveles, Bataan at kaniya-kaniya ring tumungo sa iba’t ibang ruta sa Bataan at Pampanga.

Pitong trailer trucks ang hinarang ng mga awtoridad sa Abucay, dalawa sa Limay, isa sa Orion, Bataan at lima pang trailer trucks sa Lubao Pampanga na pare-parehong may kargang pinaghihinalaang ipinuslit na sigarilyo.

Nakumpiska ng awtoridad ang tinatayang 759 master cases ng smuggled cigarettes.

Labing-apat naman ang arestado sa pagkakasangkot sa pagpupuslit ng mga nasabing produkto.

Ayon naman kay PRO-3 regional police director Brig. Gen. Jess Mendez, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan para sa angkop na beripikasyon at disposisyon ng mga nakumpiskang produkto, gayundin sa mga kasong isasampa laban sa mga sangkot sa pagpupuslit.