-- Advertisements --

Inaasahan ngayon ng state weather bureau ang mga serye ng pag-ulan dulot ng southwest monsoon o habagat kung saan anim na lalawigan sa Luzon ang apektado.

Sa inilabas na heavy rainfall outlook ng weather bureau, tinatayang 50 hanggang 100 mm na ulan ang mararanasan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, at Bataan.

Naglabas din ng thunderstorm advisory ang weather bureau para sa natitirang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila, Bulacan, Zambales, Bataan, Cavite, at Rizal, kung saan asahan na ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-buhos ng ulan, pagkulog, at malalakas na hangin sa loob ng susunod na dalawang oras.

Samantala posibleng ideklara ang pagsisimula ng tag-ulan ngayong linggo, ayon sa state weather bureau habang inaasahan ang patuloy na epekto ng habagat sa Luzon at Western Visayas.