Kinumpirma ng mga otoridad ang pagkaka-recver ng karagdagang sako ng hinihinalang shabu sa katubigan ng Pangasinan at Ilocos Sur mula Hunyo 5 hanggang Hunyo 7, 2025.
Sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagtutulungan ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya upang masolusyonan ang kaso at mapanatili ang seguridad sa mga maritime zone ng bansa.
Nabatid na noong Hunyo 5, 2025, pitong sako ng hinihinalang shabu ang isinuko ng mga mangingisda matapos itong matagpuan na palutang-lutang sa baybayin ng Pangasinan.
Nitong Hunyo 6 at 7, 2025, naka-recover pa ang pinagsanib na pwersa ng pamahalaan ng mga sako ng ilegal na droga sa patuloy na pagpapatrolya sa dagat.
Dalawang mangingisda mula Sta. Cruz, Ilocos Sur ang nag-turn over ng dalawang sako na may parehong klase ng packaging tulad ng natagpuan sa Pangasinan, na nagpapahiwatig ng posibleng pag-anod ng mga ilegal na droga patungo sa hilaga.
Pinuri naman ni Captain Mark Larsen Mariano ang katapatan at pagiging mapagmasid ng mga mangingisda, na tumulong upang mapigilan ang pagkalat ng bilyong pisong halaga ng illegal na droga sa mga komunidad.