CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang negosyante at sugatan ang kanyang anak sa pananambang sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Norhashim Bayao,50 anyos,may asawa at sugatan ang kanyang anak na si Embran Bayao,14 anyos,mga residente ng Brgy Gang Sultan Kudarat Maguindanao.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Benito Rotia na habang lulan ang mag-ama sa isang motorsiklo sa Brgy Kapinpilan Midsayap North Cotabato ay bigla silang pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Midsayap.

Naisugod sa pagamutan ang mga biktima sa bayan ng Midsayap at inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ngunit binawian rin ng buhay ang negosyante na nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran habang ligtas naman ang anak nito na may daplis sa hita.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa pamamaril sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.