-- Advertisements --

Lubos na nagpasalamat si outgoing Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tiwalang ibinigay nito sa kanya kasunod ng pagtatapos ng kanyang panunungkulan sa ahensya.

Ayon kay Ruiz, isang malaking karangalan ang pamunuan ang PCO sa halos limang buwan na nagsusulong ng bukas at responsable na komunikasyon para sa mamamayan.

Aniya, naging isang makabuluhang karanasan ang paglilingkod niya bilang kalihim ng kagawaran.

Nagpasalamat din si Ruiz sa mga kawani ng PCO, sa mga taga-media, at sa publiko sa aniya’y walang sawang pagsuporta sa kanyang liderato.

Kasabay nito, binati naman ni Ruiz si Dave Gomez na itinalaga bilang bagong PCO Secretary.

Sinabi ni Ruiz na tiwala siyang lalo pang susulong ang ahensya sa ilalim ng pamamahala ni Gomez.

Nangako si Ruiz na patuloy siyang susuporta sa administrasyon ni Pangulong Marcos para maisakatuparan ang mga layunin ng Bagong Pilipinas.

Itinalaga ni Pang. Marcos si Ruiz bilang Member ng Board of Directors ng Manila Economic Cultural Office Taiwan.

Samantala, sinisimulan na ang transition period para sa pamamahala png bagong PCO Sec. na si Dave Gomez.

Ito ang inihayag ni outgoing Communications Acting Sec. Jay Ruiz, matapos ianunsyo ang pagtatalaga ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. kay Gomez bilang bagong secretary.

Personal na nagpaalam si Ruiz sa mga miyembro ng Malacañang Press Corps nitong hapon, at ipinaabot ang pasasalamat sa naging suporta ng mga mamamahayag sa kanyang termino.

Ayon kay Ruiz, wala pang petsa kung kailan pormal na uupo sa pwesto si Gomez, pero inihahanda na niya ang transition o paglilipat ng trabaho sa bagong kalihim.

Ipinaabot ni Ruiz ang kumpiyansa sa magiging liderato ni Gomez, at naniniwalang patuloy na lalago at uunlad ang PCO sa ilalim ng bagong tagapamuno.

Ayon naman kay Palace Press Officer USec Claire Castro, babaunin ni Gomez ang kaniyang karanasan sa pamamahayag dahil naging reporter din ito nuon sa isang national newspaper at na-assign din sa Malakanyang.