-- Advertisements --

Target ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na paikliin sa 10 hanggang 12 oras ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Enero 9 mula Quirino Grandstand papuntang Quiapo Church, na karaniwang umaabot ng higit 20 oras.

Kung maaalala, ang pinakamabilis na prusisyong naitala ay noong 2024, sa loob ng mas mababa sa 15 oras.

Upang mapabilis ang prusisyon, direktang tutulong ang pulisya sa paggalaw ng andas sa 5.8-kilometrong ruta sa Maynila. Bukod sa mga pulis na nakatalaga sa 12 segments, ilang opisyal ang tutulong sa direktang paghakot ng andas upang maiwasan ang pagkaantala ng prusisyon.

May ilang pulis din na nagboluntaryo bilang hijos upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa paligid ng andas.

Ayon kay NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, layon ng hakbang na ito ang mas maayos na crowd management at control.

Samantala, magde-deploy ng mahigit 18,000 pulis, kasama ang suporta mula sa Central Luzon, Calabarzon, at Special Action Force.

Paalala ng NCRPO sa mga deboto na huwag gumamit ng face coverings tulad ng helmet, face mask, cap, o balaclava sa prusisyon.