Ibinunyag ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na nag-ugat ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagbatikos niya noon sa 2025 General Appropriations Act (GAA), partikular sa alegasyon na may mga “blank items” o iregularidad umano sa bicameral report.
Sa kaniyang “The Grand Conspiracy” press conference, sinabi ni Singson na naglabas noon ang dating Pangulo ng kaniyang legal opinion noong Enero ng nakalipas na taon, batay sa pahayag ni Davao City Rep. Isidro Ungab na nilagdaan ang badyet sa kabila ng umano’y mga iregularidad.
Iginiit din ni Singson na nais umanong patahimikin si Duterte bilang kritiko ng naturang badyet at ipinakita ni Singson ang video ng pag-aresto kay Duterte noong Marso 11, 2025, na aniya’y nangyari bago mailabas ang warrant.
Mariing itinanggi naman ng Malacañang ang alegasyon. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, gawa-gawa lamang ang kwento ni Singson upang siraan ang Pangulo at iginiit na alam ng taumbayan kung sino ang tunay na makabayan.
















