Nagdulot ng sunod-sunod na landslide at pagbaha ang malalakas na ulan mula sa matitinding thunderstorms sa Bindoy, Negros Oriental nitong mga nakaraang araw, na nagdulot ng abala sa daloy ng trapiko sa New Year’s Day.
Ayon kay Bindoy Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) head Engr. Wilfur Herrera Jr., bahagya pa lamang na madaanan ang national highway sa Barangay Malaga habang nagpapatuloy ang clearing operations.
Isang lane muna ang binubuksan para ma-control ang daloy ng sasakyan.
Walang naiulat na nasawi o nawalan ng tirahan, bagama’t ilang barangay ang binaha at dalawang beses na tinamaan ng landslide ang highway sa Barangay Malaga.
Tumutulong sa clearing efforts ang provincial government ng Negros Oriental, DPWH, mga karatig-LGU, at pribadong contractor.
Patuloy naman ang damage assessment habang kinokolekta ang datos ng mga apektadong kabahayan para sa relief assistance.










