-- Advertisements --

Ibinulgar ni Senador Panfilo “Ping” Lacson noong Sabado, Disyembre 27, na ayon sa mga dokumento mula sa yumaong dating Public Works Undersecretary Maria Catalina Cabral at mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), limang miyembro ng Gabinete at ilang undersecretary ang nakatanggap umano ng bilyon-bilyong pondo sa allocables at non-allocables para sa 2025 national budget.

Ayon kay Lacson, isang opisyal na tinukoy lamang bilang “ES” ang nakatanggap ng P8.3 billion, habang ang dating DPWH Secretary na si Manuel Bonoan ay may P30.5 billion sa allocables.

Nagulat si Lacson sa halaga ng mga pondo at tinanong kung bakit nakatanggap ang mga Cabinet members ng allocables, gayung karaniwang mga mambabatas lang ang nagrerekomenda ng mga proyekto para sa kanilang distrito.

Ipinahayag din ni Lacson na may mga bilyong piso na ipinagkaloob sa House leadership at mga party-list groups.

Ayon pa sa Senador bukod kay Bonoan, ay nakatanggap din umano ng kickbacks mula kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, ang mga opisyal.

Dagdag ni Lacson, ang mga pondo na ito ay bahagi ng unprogrammed appropriations, kung saan P30 billion ay inilalaan para sa mga flood control projects, karamihan ay nakumpirmang mga “ghost projects.”

Sinabi pa ni Lacson na ang mga Special Allotment Release Orders (SAROs) na may petsang Disyembre 27, 2024, ay naglalaman ng P50 billion, at inaasahang susuriin ng Senate Blue Ribbon Committee kapag na-authenticate na ang mga dokumento.

Bilang tugon, tinanong ni Lacson kung bakit ang mga Cabinet members ay may karapatan sa allocables, na aniya ay para lamang sa mga mambabatas. Pinuna rin niya na ang National Expenditure Program ay tanging sakop lamang ng ehekutibo.

Hanggang sa ngayon, wala pang pahayag si Bonoan kaugnay sa mga alegasyon ni Lacson.

Pinayuhan din ni Lacson ang administrasyon na huwag magpamalas ng pagiging “selective” sa mga kaso ng korapsyon, upang hindi mawala ang tiwala ng publiko, lalo na’t mababa ang mga approval ratings ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.