-- Advertisements --

Kasado na ang Philippine National Police (PNP) para magbigay ng seguridad para sa pinakamalaking prusisyon at pagtitipon ng mga Katoliko na Traslacion sa Enero 9.

Ayon kay Manila Police District spokesperson PMaj. Philip Ines, humigit-kumulang 15,000 kapulisan ang ipapakalat sa kasagsagan ng Traslacion.

Ito ay maliban pa sa mga PNP personnel na idedeploy ng ibang mga ahensiya ng gobyerno para tiyakin ang seguridad ng publiko at panatilihin ang kaayusan sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng malaking bilang ng mga deboto sa kasagsagan ng kapiyestahan ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo.

Dagdag pa ng MPD official, magbubukas ng mga alternatibong ruta dahil may ilang mga isasarang kalsada para bigyang daan ang mga ruta para sa prusisyon.

Sa ngayon, walang namonitor na seryosong banta ang kapulisan sa pagdiriwang ng kapiyestahan.

Muli namang binigyang diin ng MPD ang mga ipinagbabawal na mga gamit na dalhin sa prusisyon kabilang ang pagdadala ng payong, mga patalim o matutulis na bagay, pagdadala ng baril, pagpapaputok ng firecrackers at pyrotechnic devices, mga babasaging lalagyanan ng tubig gayundin ipinagbabawal ang pagsusuot ng hoodie jacket at sombrero alinsunod sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

Pinapayuhan din ang mga deboto na lalahok sa prusisyo na kung hindi maiwasang magdala ng bag ay dapat na ito ay transparent, bawal din ang mga nagtitinda sa loob ng controlled areas, mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpunta sa event ng nakainom ng alak o lasing, at kung maaari ay huwag nang dalhin ang mga bata o may mga sakit.

Ipapatupad naman ang no fly zone, drone zone at sail zone sa loob ng bisinidad ng Quirino Grandstand at Quiapo church.