Inilunsad ng kaanak ng mga biktima ng war on drugs ang anti-troll networks at iba pang support systems bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court simula sa araw ng Lunes, Pebrero 23.
Ayon kay Atty. Kristina Conti, assistant to counsel sa ICC, inilunsad ang naturang inisyatiba dahil inaasahang gagamit ng mga estratehiya ang kampo ng mga Duterte hindi lamang sa courtroom kundi maging sa aniya’y “court of public opinion” partikular na sa social media, gaya ng pananakot at pambubully sa mga biktima at kanilang mga kaanak.
Bukod dito, sinabi ni Atty. Conti na pinaghahandaan na rin ng mga biktima at kanilang pamilya ang posibleng nakakagulat na estratehiya ng kampo ng depensa kabilang na ang pagharap ng dating pangulo bilang “kakaibang tao.”
Inilarawan ni Atty. Conti ang posibleng itsura ng dating Pangulo na magmistulang “ermitanyo” base na rin aniya sa salaysay ng mga kaanak ng dating Pangulo, na “maputi na at posibleng mahaba na ang buhok.”
Binigyang diin naman ng kampo ng biktima na hindi dapat magpadala ang publiko sa matinding pagbabago sa dating Pangulo sa pagharap niya sa susunod na linggo sa international tribunal.
Sa ngayon, umaabot na sa 529 biktima ang kinilala ng ICC sa tatlong bilang ng crimes against humanity charges na inihain laban sa dating Pangulo. Subalit, hindi pa isinisiwalat ng legal counsels ang listahan ng mga indibidwal na dadalo sa proceedings sa The Hague, dahil na rin sa banta na maaari nilang kaharapin.
















