Nanawagan ang grupong Digital Pinoys para sa isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng napaulat na hindi awtorisadong pag-access ng mga dokumento at electronic files mula sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, binigyang-diin ni Ronald Gustilo, ang National Campaigner ng Digital Pinoys, na seryosong usapin ito na hindi dapat ipagsawalang-bahala ng pamahalaan.
Nag-ugat ang panawagan sa alegasyong sapilitang pinasok at kinuha ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ang mga laptop at pisikal na dokumento mula sa opisina ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
Ayon kay Gustilo, ang ganitong gawain ay hindi lamang isyu ng asal ng isang opisyal, kundi isang malaking banta sa seguridad ng mga sensitibong impormasyon ng gobyerno.
“Mabigat yung naging alegasyon… ito hindi lamang usapin sa inaasal ng isang mambabatas kundi usapin din ito kung paano at gaano kaprotektado yung mga dokumento at electronic files na nasa pangangalaga ng gobyerno,” ani Gustilo.
Paliwanag ng grupo, mayroong sinusunod na tamang proseso sa pagkuha ng mga dokumento upang matiyak na ang ebidensya ay mananatiling kredible at magagamit sa korte.
Babala ni Gustilo, kung nakuha ang impormasyon sa maling paraan, maaari itong mabalewala o maging unusable sa mga legal na proseso.
Aniya, bagama’t mahalaga ang transparency at pagsugpo sa korapsyon, hindi ito dapat gawin sa pamamagitan ng paglabag sa batas at digital governance.
Dahil dito, nanawagan ang grupo sa DPWH at iba pang ahensyang sangkot, maging sa National Privacy Commission (NPC) na magsagawa masusing imbestigasyon hinggil dito.
“Inaasahan namin na ang DPWH at iba pang ahensyang involved, maging ang National Privacy Commission, ay maglunsad ng imbestigasyon patungkol dito. Kasi hindi naman kung sinu-sino na lang yung pumupunta ng tanggapan at bigla na lang mag-a-access ng computer system at dokumento,” dagdag pa nito.















