Nakatakdang pangungunahan ng Provincial Internal Affairs Service (PIAS) ang imbestigasyon sa umano’y pambubugbog ng apat na pulis sa isang barangay konsehal sa bayan ng Sevilla Bohol.
Nangyari ang insidente kasabay ng ikinasang police operations laban sa complainant na si Eric Gumanoy.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Police Major Rey Olar na nagtungo sa naturang opisina noong Biyernes,Pebrero 13 si Gumanoy para maghain ng pormal na reklamo, ngunit hindi pa ito na-docket dahil hinihintay pa ang kumpletong mga dokumento.
Habang hinihintay ito upang masimulan ang pormal na mga pagdinig, nagsagawa na ang BPPO ng mga maagap na hakbang, kabilang ang paunang pagsusuri ng mga available na CCTV footage upang matiyak ang isang imbestigasyong nakabatay sa ebidensya.
Ibinunyag pa ni Olar na wala pang administrative relief at nananatili pa rin sa kanilang pwesto ang apat na pulis na tinukoy ng complainant.
Aniya, kung mapatunayang nagkasala, maaari ang mga itong masuspendi, ma-demote, o madismiss ang mga ito depende sa bigat ng kaso.
Tiniyak pa niya na isasagawa ang imbestigasyon nang patas at ayon sa due process.
Nanawagan naman ito sa publiko na i-report ang anumang pang-aabuso ng mga pulis sa Provincial Investigation and Detective Management Unit upang maimbestigahan at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
















