Tahasang sinabi ni dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson na sina Pres. Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez ang “masterminds” umano sa isyu ng korupsyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang press briefing nitong Lunes, Enero 6, sinabi ni Singson na isinama umano si dating Ako Bicol Party-List Representative Elizaldy ”Zaldy” Salcedo Co para maging mas malawak at organisado ang collection sa flood control projects.
Ipinresenta rin ng dating gobernador ang 14 na congressman na may bilyong halaga umanong allocables.
Nangunguna umano rito si House Majority Leader Sandro Marcos na mayroon umanong higit na P15 billion na allocables sa flood control projects.
‘Wala nang hiya-hiya ‘yan, nakalagay, naka-record sa NEP ‘yan, pinirmahan parin ni Bongbong Marcos, so hindi na tama ang pag-iisip nito, so ang ibig-sabihin nito dagdag lang sa mga nanakaw na pera.. So, itong top 14 (Congressman) silang nakakaalam ng mga anomalya na nangyayari sa gobyernyong ito,’ ani Singson.
‘Sila nakakaalam niyan, binibigyan ng malaki. Top 40 lang ito. Dagdag lang ito sa mga perang nakuha nila sa gobyerno.’
Kaugnay niyan ‘wala pang tugon ang Malacañang kaugnay ng mga alegasyong ipinupukol ni Singson.
Samantala, nanawagan din ang dating gobernador sa mga religious group na magsanib-puwersa at magsagawa ng protesta kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.
Ayon sa kanya personal niyang kakausapin ang iba’t ibang religious organizations upang hikayatin ang kanilang pakikiisa sa panawagang pagtutol sa graft and corruption. Hinimok din niya ang mga Pilipino na lumahok sa kanyang tinawag na isang “one-time, big-time” rally.
















