Nilinaw ng Miss Universe Organization (MUO) na walang pagbabago sa pagmamay-ari at liderato sa organisasyon.
Ginawa ng international pageant organization ang paglilinaw sa isang statement ngayong Sabado, Enero 3, 2026 bilang tugon sa aniya’y “false at misleading statements” sa ownership at leadership ng MUO, na lumilikha ng kalituhan para linlangin ang publiko, makalikom ng investment sa hindi maayos na paraan at i-exploit ang Miss Universe brand para sa pansariling benepisyo.
Bilang tugon, pinag-aaralan ngayon ng Miss Universe Organization ang naturang usapin kasama ang kanilang legal advisors at gagawin umano nila ang lahat ng kaukulang hakbang para matugunan at mapigilan ang mga mali, misleading o hindi awtorisadong aksiyon o mga statement.
Hinimok naman ng pageant organization ang publiko, partners nito at miyembro ng media na sumangguni lamang sa official channels nito para sa tama at beripikadong impormasyon.
Sa inisyung statement ng MUO, walang tinukoy na partikular na indibidwal o institusyon kaugnay sa umano’y nagpapakalat ng “false at misleading statements” kaugnay sa ownership at leadership ng MUO.
Subalit sa isang post sa kaniyang online account, inanunsiyo ng Filipino businessman na si Chavit Singson na hindi na umano pagmamay-ari ni Anne Jakrajutatip o Raul Rocha Cantú ang MUO dahil kapwa may arrest warrants ang mga ito.
Aniya, naka-usap umano niya kasama ang kaniyang anak na si Congresswoman Richelle Singson ang dating Miss Universe Vice President na si Shawn McClain, kung saan nagbigay aniya ito ng update kaugnay sa posibleng acquisition talks sa Miss Universe Organization.















