-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naging paratang noong Lunes ni dating Ilocos Sur Govenrnor Luis “Chavit” Singson na ginagamit umano ang ilang militar upang protektahan ang interes ng mga pulitiko habang pinapasan ng karaniwang Pilipino ang epekto ng korapsyon tulad ng pagtaas ng presyo ng bilihin, paghina ng piso, paglobo ng utang ng bayan, at pagbagsak ng foreign investments.

Bilang tugon, sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na nananatiling matatag ang AFP sa pagsunod sa mandato ng 1987 Constitution, partikular sa probisyon na nagsasaad na ang ”Civilian authority” ang laging nangingibabaw sa militar.

Binigyang-diin din niya na bagama’t sinusuportahan ng AFP ang adbokasiya para sa mabuting pamamahala at laban kontra korapsyon, ang mga usaping may kinalaman sa pamahalaan, pananalapi ng gobyerno, at polisiya sa ekonomiya ay saklaw ng mga hukuman at civilian oversight bodies, hindi aniya ng militar.

Maalalang sa dalawang oras na pulong balitaan sa Club Filipino sa San Juan City, sinabi pa ni Singson na may ilang matataas na opisyal daw ng militar ang umano’y binigyan ng pera, hindi upang tulungan kundi upang patahimikin.

Hinimok din ng dating gobernador si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na hayagang tumindig laban sa katiwalian.

Dahil dito nagbabala si Padilla laban sa panawagang isangkot ang militar sa partisan politics, na ayon sa sandatahang lakas ay sumisira sa integridad ng institusyon.

Dagdag pa niya, mahalaga ang pagiging mapanuri ng publiko lalo na sa panahong kailangan ng bansa ang pagkakaisa, partikular sa harap ng mga hamon sa West Philippine Sea.