Hinamon ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukalang 2026 General Appropriations Act na nakatakdang lagdaan ngayong araw.
Ayon sa grupo, nananatili sa budget ang malalaking unprogrammed appropriations at pork barrel style funds na nagbubukas ng pinto sa katiwalian.
Iginiit ng SPARK na taliwas ito sa retorika ng administrasyon laban sa korapsyon dahil pinahihintulutan pa rin ang patronage politics at malawakang pandarambong.
Binanggit ng organisasyon na mawawalan ng kredibilidad si Marcos kung pipirmahan niya ang kasalukuyang anyo ng budget.
Dagdag pa ng grupo, ang mga unprogrammed funds ay nagsisilbing “blank checks” na maaaring gastusin nang walang malinaw na pinagkukunan ng kita o sapat na safeguards.
Tinuligsa rin ng SPARK ang pagpapatuloy ng lump sum allocations at programang nakabatay sa political referrals na anila’y bagong anyo ng pork barrel.
Nangako ang kabataan na makikipagkaisa sa mga manggagawa at iba pang sektor upang igiit ang pag-veto sa 2026 GAA para sa mas malinaw, makatarungan, at makataong budget.
















