Nagsampa ng kasong kriminal ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice laban sa isang dating mamamahayag at kumandidatong Vice President noong 2010 na si Jay Sonza, kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng pekeng medical bulletin tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa NBI-Cybercrime Division, natukoy sa isinagawang operasyon noong Enero 2026 ang dalawang pangunahing pinagmumulan ng maling impormasyon ay sina Jose Yumang Sonza (Jay Sonza) sa pamamagitan ng kanyang Meta-verified account, at si Jeffrey Luces Celiz (Ka Eric Celiz) sa kanyang channel na may halos 10 milyong kabuuang views.
Noong Enero 28 at 29, nakunan ng ebidensya ang mga post na naglalaman ng umano’y CT-scan report at larawan ng Pangulo, na nagdududa sa kanyang kalusugan at kakayahang gampanan ang tungkulin.
Kahit tinanggal o nilimitahan ang mga orihinal na post, nakapag-secure ang NBI ng digital forensic screenshots at nasubaybayan ang pagkalat ng impormasyon sa iba’t ibang reposts at citations.
Kasabay nito, natuklasan din sa channel ni Ka Eric Celiz ang mga video na nagpapalakas pa ng alegasyon, na nakabatay sa hindi beripikadong dokumento.
Dahil dito, inirekomenda ng NBI na sampahan ang dalawa ng Cyber Libel sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (R.A. 10175), pati na rin ng kasong Unlawful Use of Means of Publication sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code.
Binigyang-diin ni NBI Acting Director Atty. Angelito DLP. Magno na bagama’t iginagalang ng Bureau ang karapatan sa malayang pagpapahayag, hindi ito ganap at hindi maaaring gamitin upang labagin ang karapatan ng iba.
Aniya, tungkulin ng NBI na bantayan ang digital space laban sa maling impormasyon na maaaring makaapekto sa pananaw ng publiko.
















