-- Advertisements --

Matagumpay na nasabat ng National Bureau of Investigation katuwang ang Bureau of Internal Revenue ang mga imported brands ng sigarilyo sa Nueva Ecija.

Sa pangunguna ng mga tauhan ng NBI-Tarlac District Office kasama BIR, isinilbi ang implementasyon ng tatlong search warrants.

Para ito sa mga behikulong pagmamay-ari ni Jonifer Lajom na nagtatago umano at nagtitinda ng mga assorted imported brands ng sigarilyo.

Base sa opisyal na pahayag ng NBI, alinsunod ang implementasyon ng search warrants sa paglabag nito sa National Internal Revenue Code sa ilalaim ng R.A. 8424.

Sa naturang operasyon, nakumpiska ang 58 box ng mga produktong sigarilyo nagkakahalaga ng tinatayang P870,000.

Bunsod nito’y ang nasabat na mga produkto ay agad na sinuri ng mga tauhan ng BIR bago mailipat sa kustodiya at pangangalaga ng NBI-Tarlac District Office.