KALIBO Aklan — Nagsagawa ng malawakang protesta sa Mendiola ang mahigit isang daang kabataan upang ipakita ang kanilang pagkakaisa laban sa korapsyon.
Kasunod ito sa pagdiriwang ng National Students’ Day noong Lunes, Nobyembre 17, 2025.//
Ayon kay Kabataan Partylist Representative Atty. Rene Co, malinaw na ipinapahayag ng kabataan ang kanilang paninindigan para sa karapatan, kalayaan, at ang paghahangad na mabunyag ang katotohanan kaugnay ng mga umano’y anomalya sa bansa.
Giit pa ng mga kabataan, ipagpapatuloy nila ang kanilang panawagan upang matugunan ang lumalalang problema sa korapsyon hindi lamang anila sapat na magkaroon ng pagbabago sa liderato, kundi dapat managot, maibalik ang ninakaw na pondo, at maituwid ang sistema.
Kaugnay nito, inanunsyo rin nila ang pagsasagawa ng “National Walkout Day” laban sa korapsyon sa darating na Nobyembre 21 ng kasalukuyang taon.
Samantala, nanawagan din si Atty. Co na seryosohin ang beripikasyon sa pahayag ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dahil mabigat umano ang kanyang alegasyon.
Dapat umano itong umuwi sa bansa upang ipagpatuloy ang imbestigasyon at ilahad ang lahat ng kanyang nalalaman.
Hinamon din niya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa umano’y alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at hingin ang paliwanag ng Malacañang dahil napakahalaga at mabigat ang nasabing paratang.















