Binigyang diin ng National Parents and Teachers Association ang malaking papel ng mga magulang sa usapin ng bullying sa mga paaralan sa buong bansa.
Ginawa ng grupo ang pahayag matapos ang matagumpay na paglagda ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng Anti-Bullying Act.
Nilalayon ng natutang IRR na tugunan at sugpuin ang bullying na madalas mangyari sa mga paaralan.
Sa isang panayam, iginiit ni National PTA Philippines Executive Vice Chairman Professor Henry S. Tenedero na ang pagrebisa sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng Anti-Bullying Act ay napapanahon lamang .
Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng paglilinaw ang guidelines sa implementasyon ng nasabing polisiya.
Aminado ang grupo na malala ang usapin ng bullying na nagdudulot ng suliranin sa mental health at depresyon ng kabataan na nakakaranas nito.
Naniniwala ito na kailangan ang proactive at holistic na sistema upang maayos na matugunan ang isyu ng bullying sa mga paaralan.