Kinumpirma na ng Korte Suprema ang pagkakatanggap sa inihaing mosyon ng Kamara hinggil sa Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang mensahe ni Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting na ipinadala sa Bombo Radyo, kanyang inihayag ang kumpirmasyong natanggap na ng Korte Suprema ang naturang dokumento.
Kaya’t ngayong araw ay ibinahagi ng Kataastaasang Hukuman ang kopya nitong natanggap kung saan nakapaloob ang kahilingan ng kamara.
Mababasa sa isinumiteng dokumento ang nilalaman nitong hiling na layong maipabaliktad sa Korte Suprema ang naging desisyon.
Bagama’t ipinasa ito sa pamamagitan ng electronic filing, ani Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, hinihintay pa nila ang hard copy ng ‘Motion for Reconsideration’ sapagkat ito raw ang nakasaad sa guidelines ng Korte.
Habang ibinahagi naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kanyang pagkabahala sa naging desisyon ng Korte Suprema.
Aniya’y delikado ang ginawang hakbang ng Kataastasaang Hukuman hinggil sa impeachment at panibagong mga tuntunan na inilabas.
Ngunit kanyang nilinaw na ang paghahain ng motion for reconsideration ay hindi upang mag-provoke kundi para isulong ang balanseng kapangyarihan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Maalala na ang paghahain ng ‘Motion for Reconsideration’ ay nauna ng sinabi ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting kung saan ito’y isang opsyon ng kongreso sa deklarasyong patungkol sa impeachment.
Na aniya’y ito’y pagkakataon ng House of Representatives upang maiparekunsidera ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Sa kasalukuyan, ay nagsagawa naman ng kilos protesta ang ilang grupo sa harap ng Supreme Court.
Panawagan ng nga grupong Tindig Pilipinas, Nagkaisa, Labor Coalition, at iba pang mga indibidwal na muling suriin ng Korte Suprema ang inilabas nitong desisyon.
Panawagan nila na maituloy pa rin ang paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
Kung saa’y patuloy silang naninindigan na dapat bawiin o maibaliktad ang desisyong pagdedeklara bilang ‘unconstitutional’ ang ‘Articles of Impeachment’ na ipinasa ng Kamara.