NPA
Naarestong NPA

TACLOBAN CITY – Hawak na ng mga kapulisan ang nakatakas na miyembro ng New People’s Army (NPA) na ikinulong sa Allen Sub Provincial Jail sa Northern Samar noong nakaraang Oktubre 17.

Una rito, inaresto si Aljon Cardenas, 19, dahil isa siya sa 50 mga NPA na umatake sa police station sa Victoria, Northern Samar noong Marso 28.

Nakatakas daw si Cardenas dahil inakyat nito ang halos anim na metrong taas ng bakod sa kulangan bandang alas-8:00 ng gabi noong nakaraang Miyerkules.

Ayon kay Col. Andre Dizon, provincial director ng Samar Police Provincial Office, naaresto ang suspek sa Brgy Dawo, Oquendo District sa Calbayog City kung saan siya nakatira dati at ang kanyang pamilya.

Kasama naman ng suspek ang kanyang ama nang madakip ito ng mga otoridad.

Ayon pa sa Samar provincial director, madadagdagan ang kaso ng suspek dahil sa kanyang pagtakas sa kulangan.

Napag-alaman na nahaharap sa kasong robbery at illegal possession of firearms and ammunition ang nadakip na suspek na sinasabing isang dati ring estudyante.