-- Advertisements --

Inihayag ng bagong talagang kalihim ng Department of Energy (DOE) na si Energy Secretary Sharon S. Garin, ngayong Huwebes, Hulyo 14, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa pagtitiwalang ibinigay aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pamunuan ang ahensya sa tinawag nitong ”critical time for our country’s energy future.”

Binigyang-diin ng bagong kalihim ang kahalagahan ng pagtutok sa seguridad, sustainability, at abot-kayang presyo ng kuryente para sa mga Pilipino.

Pinangako din ni Garin na patuloy nitong isusulong ang mga polisiya at reporma na inilatag ng mga nagdaang kalihim sa DOE, tulad ni dating energy secretary Raphael Lotilla, na nakatuon sa pagpapabilis ng pag-unlad ng renewable energy, pagpapalawak ng electrification, pagpapalakas ng energy resiliency, at pagpapabuti ng klima para sa mga mamumuhunan.

‘I would like to assure the members of the energy family and our partners in the public and private sectors of the Department’s steadfast commitment to the continuity of energy sector policies and reform initiatives,’ pahayag ni Garin.

Binanggit din niya ang mga programa ng ahensya tulad ng Green Energy Auction at ang patuloy na pagtaas ng kapasidad ng renewable energy bilang tugon umano sa polisiya ng Pangulo, na kaakibat ng mas malawak na layunin para sa ”inclusive and sustainable national development.”

Samantala, nanawagan din si Garin ng pagtutulungan ng lahat ng sektor, pagsunod sa transparency, at pagtanggap sa mga makabago at angkop na solusyon upang matiyak ang ”reliable, secure, and sustainable energy future” para sa bawat Pilipino.