-- Advertisements --

Nakapokus ngayon ang aktres na si Gretchen Barretto sa pagbawi ng kaniyang reputasyon na nadungisan bunsod ng mga rebelasyon ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy.

Ayon sa abogado ng aktres na si Atty. Alma Mallonga, hindi makakatulong sa puntong ito ang paghahain ng reklamo laban kay alyas Totoy na nagdawit kay Gretchen sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero.

Sinabi din ni Atty. Mallonga na nalulungkot ang aktres sa mga nangyayari at hindi aniya makakatulong sa ngayon ang pagsasampa ng kaso dahil hinusgahan na siya ng mga tao.

Kayat umapela ang abogado ng aktres sa publiko na maging discerning sa isyu.

Saad pa ni Mallonga na walang ebidensiya si alyas Totoy maliban sa mga pahayag na inilarawan niyang isang pantasiya, imbento at walang kabuluhan. Hindi din aniya lumagda si alyas Totoy ng affidavit.

Subalit hindi isinasantabi ng aktres ang paghahain ng mas mabigat na kaso kalaunan at isa sa kanilang ikinokonsidera ang posibleng paghahain ng kasong perjury na isang mabigat na parusa na kapag na-convict aniya ay walang kaakibat na probation.

Matatandaan, nauna ng inakusahan ni alyas Totoy si Gretchen Barretto bilang “alpha member” ng Pitmaster Group at may kaalaman sa lahat ng nangyari kabilang ang pagdukot sa mga nawawalang sabungero.

Subalit agad na nilinaw ng aktres na isa lamang siyang investor sa Pitmaster Group at wala siyang nalalaman sa pagkawala ng mga sabungero.