Halos 4,000 banyaga ang ipinatalsik ng Pilipinas dahil sa pagkakasangkot nila sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston John Cruz, kahit ipinagbawal na ang POGOs, nagpatuloy ang mga ito sa anyong maliit na scam hubs sa mga condo, subdivision, at private resorts.
Sa kasalukuyan, nasa 500 undocumented POGO workers pa ang nasa kustodiya ng PAOCC. Kamakailan, 120 Chinese nationals ang na-deport, na sinamahan pa ng mga opisyal pabalik sa China.
Sinabi rin ni Cruz na sinusundan na nila ang daloy ng pera mula sa mga POGO gamit ang mga “junket” o private gaming tours.
Tinaya ng PAOCC na 9,000–10,000 Chinese nationals pa ang nananatili sa bansa kahit kanselado na ang kanilang mga work visa. Wala ring centralized system ang gobyerno para subaybayan ang kanilang mga aktibidad.
Ipinagbawal ni Pangulong Marcos Jr. ang POGOs noong nakaraang taon dahil sa pagkakasangkot sa human trafficking, money laundering, at iba pang krimen. (report by Bombo Jai)