Pinaalalahanan ng Malacañang ang publiko na huwag basta nagpapaniwala sa mga naglalabasang “fake news” kaugnay sa aasahang senaryo pagkatapos ng June 15 kung kailan magpapaso na ang modified general community quarantine (MGCQ) sa ilang lugar sa bansa at general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, Laguna at Cebu City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na wala pang desisyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) at hintaying si Pangulong Rodrigo Duterte ang mag-aanunsyo nito sa Lunes.

Ayon kay Sec. Roque, may sariling pag-analisa si Pangulong Duterte sa sitwasyon at huwag siyang pangunahan sa kanyang magiging desisyon.

Inihayag ni Sec. Roque ikokonsidera ng IATF ang naitatalang pagtaas pa rin ng bilang ng mga nagpo-positibo sa COVID-19 at magiging batayan sa desisyon ang datos at siyensya.