Nagbabala ang pamunuan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa posibleng aftershocks matapos na tumama ang 5.5 magnitude na lindol sa katubigan ng Ilocos Norte.
Una nang naitala ang sentro ng lindol sa karagatan malapit sa bayan ng Pasuquin sa naturang lalawigan.
Ito ay mayroong lalim na 27 kilometers at sinasabing naganap bandang alas 10:38 kaninang umaga.
Naitala ng PHIVOLCS ang Intensity IV sa Claveria sa Cagayan, San Nicolas and Solsona sa Ilocos Norte, at Sinait at Vigan City sa Ilocos Sur.
Natukoy naman ang Intensity III sa Gonzaga, Cagayan habang Intensity II naman ang naitala sa Abra, Penablanca sa Cagayan at Narvacan sa Ilocos Sur.
Mas mababang intensity naman ang naitala sa Candon, Ilocos Sur at Ilagan, Isabela.
Sa ngayon ay nilinaw ng ahensya na wala namang naitalang matinding pinsala ang naturang pagyanig.