Inihayag ng kasalukuyang alkalde ng lungsod ng Maynila na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang patuloy na paghahanda para sa posibilidad na maganap o dumating na mga sakuna.
Kasunod ng mga naitatala pa ring pagyanig ng lupa o lindol sa iba’t ibang mga lugar sa bansa, ayon kay Mayor Domagoso, makakaasa umano ang publiko na kanila namang ginagawa ang lahat para maihanda ang lungsod.
Bagama’t naghahanda, aminado ang naturang alkalde na hindi nito magagarantiya ang katiyakan sa kaligtasan ng bawat isa sa oras na maganap ang isang malakas na lindol.
Ani kasi niya’y hindi rin makaseseguro kung gaano kalakas at magiging lawak ng epektong dulot ng sakuna tulad ng lindol sakaling tumama at maranasan sa Maynila.
Isa sa mga binabantayang mangyari ay ang ‘The Big One’ o ang paggalaw sa lupa ng West Valley Fault na posibleng makapinsala sa lakas na aabot sa 7.9 magnitude.
Sa kabila ng mga alinlangan, maisa pang ulit na tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno ang patuloy na paghahanda ng lungsod para sa pagtama ng mga susunod pang sakuna.
Isa na rito ay ang pamimigay ng mga ‘vital care kits’ pati pakikipagtulungan sa mga organisasyong maaring makatuwang sa oras ng kalamidad.
Buhat nito’y patuloy din ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan panglungsod ng Maynila sa libu-libong ‘vital care kits’.
Kung saan inunang mabigyan ang mga estudyante, kapulisan, tauhan ng city hall pati mga barangay nang sa gayon ay maparami ang mga taong maaaring kadyat na makapagbigay paunang tulong.
Sa ngayon ay nasa higit 40-libong ‘vital care kits’ na ang naipamahagi sa layon na makapamigay ng aabot sa higit 100-libo nito para sa mga residente ng lungsod.