-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi sila payag sa rekomendasyon ng ilang grupo na pagpasa sa lahat ng mag-aaral ngayong pandemya sa kabila ng mga kinakaharap na pagsubok sa distance learning.

Ayon kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, hindi raw ito patas lalo na sa mga estudyanteng totoong nagsusumikap upang maitawid ang kanilang pag-aaral.

Bagama’t kanilang nauunawaan na ang naturang mungkahi ay para maibsan ang nararanasang stress at pagkabahala ng mga mag-aaral, inihayag ng opisyal na kaya naman daw matulungan ng mga guro ang mga ito.

“Naniniwala kami na mas magkakaroon ng magandang motibasyon ang bata na mag-aral kung alam niya ang kanyang ginagawa ay minamarkahan ng maayos,” wika ni San Antonio sa isang panayam.

Iginiit din ni San Antonio na hindi magtuturo ng responsibilidad sa mga mag-aaral ang panukalang no fail policy.

Kung maaalala, may mga umapela na rin sa DepEd na magpatupad ng academic freeze bunsod ng mga nararanasan umanong hirap sa distance learning.

Bilang tugon, nagpatupad ng academic ease ang ahensya para mapagaan ang pasanin ng mga estudyante at mga guro.

Noong nakalipas na taon nang almahan din ng DepEd ang panukalang “pass or fail” na grading system ngayong school year.

Sinabi ni Education Sec. Leonor Briones, posibleng magkaroon ito ng implikasyon sa mga high-performing schools at mga estudyante.

“What would be the effect on the drive and the push for excellence on these? And what will be the effect overall?” ani Briones.

“So isipin natin ‘yan (So let us think of such implications), because even as we want to make everything comfortable, safe, and loving for learners and teachers, we also want them to achieve the learning objectives which we have set for ourselves especially the expectation for better performance, not only for national assessments but international assessments,” dagdag nito.

Dagdag naman ni San Antonio, ang pagpapatupad ng pass-or-fail system ay dagdag-trabaho lamang daw sa mga guro na kakailanganin pang pag-aralan ang panibagong sistema para ipasa ang mga mag-aaral.

“Itong mga ito ang mga dahilan kung bakit nakikita natin na ang numerical rating ay mas angkop kahit meron tayong COVID-19, kasi kailangan mabigyan din talaga ng motibasyon ang mga bata para sila ay mas maging interesadong mag-aral,” sabi ni San Antonio.