-- Advertisements --

Inilunsad ng administrasyong Marcos ang programang Clinics for Learners’ Access to School-health Services Plus initiative (CLASS+) upang magbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga pampublikong paaralan sa tulong ng Department of Education, Department of Health, at PhilHealth.

Sa unang linggo pa lang ng klase, mahigit 400 estudyante at guro sa Esteban Abada Elementary School ang nakinabang sa mga konsultasyon at laboratory tests.

Layunin ng inisyatibong ito na gawing access point ang school clinics para sa libreng check-up, gamot, at health counseling gamit ang PhilHealth Konsulta Package.

Kaakibat nito ang Learners’ Health Assessment and Screening (LHAS) program ng DepEd kung saan sasailalim sa physical, dental, nutritional, at mental health screening ang lahat ng estudyante mula Kinder hanggang Grade 12.

Magsisimula ang general health exams sa Hulyo at mental health assessments mula Agosto hanggang Disyembre gamit ang mga angkop na tools para sa kabataan.

Hangad ng gobyerno na mapaigting pa ang serbisyong pangkalusugan sa mga paaralan sa pamamagitan ng bagong School Health Package batay sa datos mula sa mga pagsusuri.