-- Advertisements --

Ibinabala ng Department of Education (DepEd) ang paglabas ng mga pekeng announcement gamit ang social media.

Kabilang dito ang mga pekeng announcement ukol sa cash assistance, class suspension, scholarship program, at no-backpack policy.

Unang umabot sa atensyon ng DepEd ang mga naturang impormasyon, bagay na ikinababahala kagawaran dahil sa posibleng epekto nito sa mga mag-aaral at mga magulang na maaaring mapaniwala ng mga pekeng anunsyo.

Dahil dito, naglabas ng babala ang DepEd at pinaalalahanan ang publiko na huwag basta maniwala sa mga lumalabas na announcement sa social media.

Ayon sa ahensiya, lahat ng mga opisyal na announcement at impormasyon kaugnay ng basic education ay ilalabas lamang ng DepEd Philippines, ang official social media page ng DepEd.

Maaari ring kumpirmahin sa mga guro o school management kung ang mga nababasang impormasyon sa social media ay tama.

Bago ang pasukan ngayong buwan, una nang lumabas ang isang pekeng announcement na madadagdagan na ng Grade 13 ang Senior High School. Agad naman itong pinabulaanan ng naturang kagawaran.