Nasawi ang dalawang estudyante matapos umanong makuryente sa isinagawang “Bubble” Fun Run nitong Sabado ng umaga, Oktubre 3, sa Cauayan City, Isabela.
Ilang sandali bago ang insidente, masaya pa umanong naglalaro ang mga bata sa bula. Ngunit makalipas ang ilang saglit, isang bata ang nakitang walang malay sa sahig.
Agad itong isinugod ng isang concerned citizen sa rescue team. Samantala, isa pang batang babae ang nakitang binibigyan ng CPR upang maisalba ang kanyang buhay.
Ayon sa mga awtoridad, apat na estudyanteng lumahok sa fun run ang isinugod sa ospital matapos umanong makuryente sa bubble party. Dalawa sa mga ito ang idineklarang dead on arrival.
Samantala, naglabas ng pahayag si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at sinabing nagpahatid na sila ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan.
“Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng dalawang estudyante na nasawi sa Cauayan South Central School, Isabela,” ani Angara sa isang pahayag.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi ng insidente.










