-- Advertisements --

Nilinaw ng Palasyo Malacañang na kailanman ay hindi nila ipinagkakait ang anumang uri ng tulong sa mga sektor na nangangailangan batay sa umiiral na batas.

Ginawa ni Communications Usec. Claire Castro ang pahayag matapos na madesmaya ang ilang mga transport group dahil kinansela ng gobyerno ang fuel subsidy.

Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang dahilan para ituloy ang subsidiya dahil nagkakaroon naman ng pagbaba sa presyo ng petrolyo sa World Market.

Paliwanag ni Castro na hindi maiiwasan ang ganitong sitwasyon kung saan ay hindi agad nakakapag desisyon ang Pangulo .

Aniya, ito ay nakadepende pa rin sa mga pangyayari at sitwasyon sa kasalukuyang panahon.

Sa kabila nito ay tiniyak ng opisyal na kanilang tinututukan ang mga kaganapan sa Middle East partikular na sa Iran at Israel.

Sinabi ni Castro na batid ng pangulo ang lahat ng prayoridad ng kanyang administrasyon para sa kapakanan ng mga driver ng pampublikong transportasyon.

Patuloy aniya ang pangulo sa paggagawa ng mga mahahalagang hakbang upang maibigay ang kinakailangang suporta.