Mariing tinutulan ng Makabayan bloc ang mungkahi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na muling palawigin ang umiiral na Batas Militar sa buong Mindanao.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, nababahala si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na magresulta ang pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao sa “unlimited martial law.”
“Ginagawa na namang sangkalan at dahilan ay may pumutok daw na bomba sa Sulu. Kapag ganun, bawat panahon na may pumuputok, halimbawa sa ibang bahagi ng bansa, buong bansa na ang ipapasailalim ng Martial Law,” saad ni Zarate.
Kinuwestiyon ng kongresista kung bakit dalawang taon na ang nakalipas magmula nang idineklara ang Martial Law pero problema pa rin ang kahirapan sa rehiyon.
Samantala, iginiit ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na walang basehan para palawigin sa ika-apat na pagkakataon ang Batas Militar sa Mindanao.
Sinabi naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na patunay lamang ang suhestiyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na “arbitrary” ang Martial Law declaration sa simula pa lamang.
“He is practically saying that martial law in Mindanao should be declared based on circumstances that happened last month or even prior, not based on the actual situation come end of December,” ani Brosas.