-- Advertisements --

Sinentensiyahan ng isang korte sa South Korea ng limang taong pagkakakulong si dating South Korean President Yoon Suk Yeol nitong Biyernes, Enero 16, matapos siyang mapatunayang nagkasala para sa kasong may kinalaman sa obstruction of justice at iba pang krimen kaugnay ng kanyang kontrobersyal na deklarasyon ng martial law.

Sa desisyong ibinaba ni Judge Baek Dae-hyun ng Seoul Central District Court, napatunayang nagkasala si Yoon sa pagharang sa mga imbestigador para siya’y arestuhin, gayundin sa hindi pagsama sa ilang miyembro ng gabinete sa isang meeting kaugnay ng pagpaplano ng martial law.

Gayunpaman, pinawalang-sala si Yoon sa kasong pamemeke ng mga dokumento dahil sa kakulangan ng mga ebidensya. Binigyan din ang dating pangulo ng pitong (7) araw upang maghain ng apela.

Una nang hiniling ng mga prosecutors ang 10-taong pagkakakulong kay Yoon at parusang kamatayan bilang umano’y pinuno ng isang insurrection dahil sa pagpapatupad ng martial law.

Ayon sa kanila, nararapat ang pinakamabigat na parusa kay Yoon dahil hindi umano ito nagpakita nang anomang pagsisisi na nagbantang guluhin ang bansa.

Batay sa ilang ulat kapansinpansin umano ang pag-ngiti ni Yoon sa loob ng hukuman habang binabasa ang hiling na death penalty ng prosecutors.

Nanatili namang matatag ang paninindigan ng kampo ni Yoon na ang pag-deklara nito ng Martial Law ay bilang paggamit lamang umano ng emergency power ng pangulo.