LAOAG CITY – Magsasagawa ng kilos protesta ang Kabataan Partylist Ilocos kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Martial Law sa bansa sa Setyembre 21 sa taong kasalukuyan.
Ayon kay Ms. Angel Galimba, pinuno ng Kabataan Partylist Ilocos, ang misa ay gaganapin sa ganap na 10:00 ng umaga sa Iglesia Filipina Independiente dito sa lungsod ng Laoag.
Aniya, pagkatapos ng misa ay agad silang maglulunsad ng kilos protesta kung saan ipapanawagan nila ang lahat ng kanilang hinaing tulad ng tumitinding korapsyon dito sa Pilipinas.
Bukod dito, hinihiling din aniya nila sa gobyerno na maghatid ng karagdagang pondo para sa edukasyon, pag-abolish sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, itigil ang pagtatayo ng mga proyektong renewable energy na nakakasira sa kapaligiran, pagkakakitaan ng mga magsasaka at mangingisda.
Paliwanag niya, ang pagpapatupad ng “No permit, no rally” ay isang hindi makatarungang patakaran ng Philippine National Police dahil ito ay isang paraan upang maipahayag ang kanilang sama ng loob sa mga anomalyang nangyayari sa ilalim ng gobyerno.
Ang protesta ay dadaluhan ng humigit-kumulang 100 indibidwal.
Nauna rito, ipinaalam ni Mr. Niño Oconer, Secretary General ng La Union Peace and Justice Advocates na magsasagawa rin ng kilos protesta sa San Fernando City, La Union at Vigan City, Ilocos Sur.