-- Advertisements --

Hiniling ng isang piskalya sa South Korea ang parusang kamatayan laban kay dating South Korean President Yoon Suk Yeol kaugnay ng kanyang deklarasyon ng martial law noong Disyembre 2024 na nagdulot ng matinding kaguluhan sa bansa.

Maalalang sumiklab ang national crisis nang biglaang ipinatupad ni Yoon ang martial law at ipag-utos na bantayan ng mga sundalo ang parliament na siyang pansamantalang nagpahinto sa pamahalaan.

Noong Martes pormal nang nagtapos ang paglilitis ni Yoon sa mga kasong insurrection, abuse of power, at iba pang kaugnay na paglabag, matapos ang mahigit 11-oras na pagdinig sa korte.

Sa kanilang closing arguments, inilarawan ng mga prosecutors na si Yoon ang utak ng isang “insurrection” na umano’y bunga ng matinding pagnanais sa kapangyarihan na naglalayong magtatag ng diktadura at pangmatagalang pamumuno.

Ayon pa sa kanila, wala umanong ipinakitang pagsisisi ang dating pangulo sa mga aksyong nagbabanta sa constitutions at demokrasya ng bansa.

Mariing itinanggi ni Yoon ang mga paratang at ipinagtanggol ang kanyang mga hakbang bilang legal at makatwiran. Ayon sa kanya, layunin ng martial law na ipagtanggol ang bansa at hindi para sirain ang demokrasya.

Humiling din ang mga prosecutors ng habambuhay na pagkakakulong para sa dating defense minister na si Kim Yong-hyun, isa sa mga pangunahing akusado sa pagpapatupad ng martial law bid.

Samantala, inaasahang ilalabas ng korte ang hatol sa Pebrero 19, 2026.

Si Kim ay kabilang sa walong indibidwal na itinuturing na ringleaders sa nasabing insidente.

Kung mapapatunayang nagkasala, si Yoon ang magiging ikatlong pangulo ng South Korea na mahahatulan ng insurrection, kasunod ng dalawang dating lider-militar na napatunayang nagkasala kaugnay ng 1979 coup. Gayunman, bagama’t nais nila ang death penalty, maliit ang tyansa nito dahil hindi opisyal ang moratorium ng bansa pagdating sa executions na umiiral mula pa noong 1997.

Bukod dito, humihiling din ang mga tagausig ng 10 taong pagkakakulong laban kay Yoon sa hiwalay na kaso ng obstruction of justice, na inaasahang hahatulan ng isang korte sa Seoul sa Biyernes.