-- Advertisements --

Tinututulan ni Pampanga Representative at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang panukalang death penalty para sa mga dayuhang drug trafficker sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs.

Ayon sa dating Pangulo, labag ito sa Second Optional Protocol ng Convention on Human Rights na nilagdaan ng Pilipinas.

Kayat iminungkahi niya na gawing habambuhay na pagkakakulong ng walang parole ang pinakamataas na parusa.

Ayon naman sa Department of Justice, hindi bigat ng parusa ang nakakapigil sa krimen kundi ang katiyakang mahahatulan ang mga lumalabag.

Ibinunyag ni DOJ Undersecretary Jesse Andres na noong nakaraang administrasyon, mahigit 75,000 drug cases ang naisampa pero karamihan ay ibinasura dahil sa kakulangan ng ebidensya. Sa bagong case buildup system, bagama’t mas kaunti ang kasong naisampa, tumaas ang success rate sa halos 94%.

Tungkol sa random drug testing, sinabi ng DOJ na maaari itong pag-aralan ngunit ipinaalala nito na idineklara na ng Korte Suprema na unconstitutional ang mandatory drug testing sa mga nag-aapply sa elective at appointive posts.

Babala rin ng DOJ na maaari itong magdulot ng diskriminasyon at stigma.