Tinutulan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang paglibing kay dating Senate President Juan Ponce Enrile sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa isang statement, sinabi ng grupo ng mga human rights lawyers na ang paglilibing kay Enrile sa Libingan ng mga Bayani ay pagbalewala sa mga danyos na iniwan ng martial law at makakasira sa pundasyon para sa bayad-pinsala, pagbawi ng ari-arian at paghilom ng lipunan mula sa karahasan.
Para sa grupo, ang naturang hakbang ay seryosong pagbaluktot ng kasaysayan at malupit na paalala ng parehong rebisyonismo nang ilibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa parehong sementeryo noong 2016.
Giit din ng grupo na ang Libingan ng mga Bayani ay hindi himlayan para sa mga sumira ng demokrasiya o nanguna sa sistematikong pangaabuso, kundi nilikha ito para sa mga naging inspirasyon at mabuting halimbawa, na wala aniya kina Marcos Sr. at Enrile.
Ayon sa grupo, si Enrile na nagsilbing defense minister sa ilalim ng Marcos Sr. ay siyang nanguna sa sentro ng martial law, gaya ng malawakang pag-aresto, pagkulong, torture, pagkawala ng mga indibidwal, media shutdowns, at pagbuwag sa mga kalayaang sibil. Gayundin, sinabi ng grupo na ang pagkalas ni Enrile mula sa Marcos Sr. administration noong 1986 ay hindi nito mabubura ang kaniyang mga kasalanan.
Ngayong araw nga isinagawa ang necrological service para kay Enrile sa Senado bilang dating Senate President. Magkakaroon ng public viewing sa burol ng yumaong Senate President sa Biyernes, Nov. 21 at ililibing sa Sabado, Nov. 22 sa Libingan ng mga Bayani, base sa pagkumpirma ng kaniyang anak na si Katrina Ponce Enrile.















