Ipinatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Viva Communications, Inc. para sa isang dayalog matapos kumalat sa social media ang isang video kung saan makikita ang isang content creator na nagmura laban sa ahensiya sa premiere ng “Dreamboi,” isang kalahok sa CineSilip Film Festival 2025.
Ayon sa MTRCB, ang pahayag ng content creator ay isang anyo ng kawalang-galang sa institusyon at sa mga taong nagsisilbi sa likod ng Board.
Sa isang liham na may petsang Oktubre 23 na ipinadala kay Viva President Vincent G. Del Rosario, sinabi ng MTRCB na layunin ng pagpupulong na itaguyod ang pagkakaunawaan at ang pagiging responsable sa mga pampublikong kaganapan.
“In line with our Responsableng Panonood campaign and our vision for healthy collaborative practices with our stakeholders, we would like to invite you for a dialogue on the said report,” saad sa liham.
“Habang iginagalang namin ang kalayaan sa pagpapahayag, tinitingnan ng Ahensiya na may lubos na pag-aalala ang paggamit ng mga salitang nagpapakita ng kawalan ng respeto sa mga pampublikong institusyon at sa mga pamantayang gumagabay sa angkop na klasipikasyon ng pelikula,” sabi ng MTRCB.
Ang dayalog sa Nobyembre 4 ay magsisilbing plataporma para sa isang bukas at positibong pag-uusap upang higit pang mapagtibay ang propesyonalismo at pananagutan sa industriya ng pelikula at telebisyon.
 
		 
			 
        













