Matapos ang plenary deliveration, mabilis na inaprubahan ng Senado ang panukalang pondo ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa taong 2026, sa pamumuno ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, nitong Nobyembre 24.
Nagpahayag ng pasasalamat si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto sa Senado sa patuloy na suporta sa mandato ng Ahensiya na protektahan ang mga manonood, lalo na ang kabataan, at palakasin ang industriya ng pelikula at telebisyon.
“Ang pag-apruba ng pondo ay patunay ng tiwala sa aming pangako na itaguyod ang responsableng panonood at tiyakin ang kapakanan ng publiko,” mariing pahayag ni Sotto. Dagdag pa niya, mananatiling tapat ang Board sa paglilingkod nang may integridad, pananagutan, at mataas na antas ng responsibilidad.
Pinuri rin ng MTRCB si Sen. Jinggoy Estrada, na nag-isponsor ng badyet, at binigyang-diin ang kahalagahan ng sapat na suporta upang mas mapahusay ang produktibidad ng mga empleyado at matupad ang mandato ng Ahensiya.
Walang naging pagtutol o interpelasyon matapos ang presentasyon—isang malinaw na indikasyon ng lubos na tiwala ng Senado sa pamunuan at mga reporma ng MTRCB.
Kasama sa badyet ang mga pangunahing programa gaya ng “Responsableng Panonood,” pagpapalakas ng monitoring systems, at mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder ng industriya, lokal na pamahalaan, paaralan, at komunidad.
Sa kabila ng limitadong tauhan at kagamitan, nakapagribyu ang Board ng 267,090 materyales noong 2024 at halos 150,000 materyales mula Enero hanggang Oktubre 2025 – patunay ng dedikasyon nito sa pagbibigay ng tamang klasipikasyon sa gitna ng mabilis na paglawak ng media landscape.
“Sa suporta ng Senado at Kamara, lalo naming palalakasin ang aming mandato at ipagpapatuloy ang adbokasiya para sa responsableng panonood,” giit ni Sotto.















