Ngayong Enero 1, muling nagbigay-paalala ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia tungkol sa kaligtasan ng mga alaga matapos ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Jana Sevilla, Senior Campaigner ng PETA Asia, sinabi niyang delikado pa rin ang mga residue ng paputok na naiwan sa mga kalsada at pader.
Binanggit niya na ito ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga hayop, kaya’t inirerekomenda niyang iwasan ang pagpapalakad ng mga alaga sa mga lugar kung saan gumamit ng paputok.
Kung maaari, pinapayuhan niyang maghintay na umulan upang matanggal ang mga residueng ito o kaya linisin ng gamit ang sabon at tubig.
Dagdag pa ni Sevilla, para sa mga alaga na takot sa ingay ng paputok, pinakamainam na kumonsulta sa isang beterinaryo.
Sa ganitong paraan pa ay matutulungan ang mga hayop sa pamamagitan ng tamang dosis ng pampakalma, upang hindi sila magdusa mula sa matinding takot at stress.
















