-- Advertisements --

Muling nagpakita ng aktibidad ang Kanlaon volcano sa Negros Island ngayong hapon, Oktubre 27, 2025, matapos magbuga ng abo mula sa bunganga nito.

Ayon sa Kanlaon Volcano Observatory – Lower Masulog (VKLM), naganap ang pagbuga mula 1:48 PM hanggang 1:52 PM, kung saan umabot sa 150 metro ang taas ng abong ulap bago ito kumalat pa-kanluran.

Nakunan ang insidente sa pamamagitan ng time-lapse footage mula sa IP camera ng observatory.

Ang naturang aktibidad ay kasunod ng sunod-sunod na pagputok ng bulkan noong nakaraang linggo.

Noong Oktubre 24, isang moderate na pagsabog ang naitala na tumagal ng tatlong minuto, lumikha ng makapal na abo at liwanag mula sa bunganga, at nagresulta sa ashfall sa ilang bahagi ng Negros Occidental gaya ng Bago City, La Carlota City, at Pontevedra.

Noong Oktubre 26, limang volcanic earthquakes ang naitala sa loob ng 24 oras, kasabay ng pagbuga ng sulfur dioxide na umabot sa 2,266 tonelada.

Nagpakita rin ang bulkan ng mahinang pagbuga ng abo na umabot sa 75 metro ang taas.

Dahil sa mga sunod-sunod na aktibidad, nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Ibig sabihin nito ay may umiiral na moderate na antas ng pag-aalboroto at posibilidad ng mga karagdagang pagsabog.

Pinapayuhan ang mga residente at lokal na pamahalaan na manatiling alerto. Ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometer Permanent Danger Zone dahil sa panganib ng biglaang pagsabog at pagguho ng bato.