Nagbuga muli ng abo ang bulkang Kanlaon sa Ngros Island ngayong umaga, Enero 6, 2026, bandang 5:55 am, na umabot sa 350 metro ang taas ng kulay-abong usok mula sa summit crater.
Ayon sa PHIVOLCS-DOST, nananatili sa Alert Level 2 ang bulkan, indikasyon ng patuloy na moderate na aktibidad at posibilidad ng biglaang pagsabog.
Pinapayuhan ang publiko na huwag pumasok sa 4-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib ng biglaang pagbuga ng abo at posibleng pagdaloy ng pyroclastic materials.
Naitala rin ng ahensya ang mga nakaraang pagsabog noong Hunyo at Disyembre 2024, gayundin noong Abril at Mayo 2025, na nakaapekto sa libo-libong residente sa Negros Island.
Kamakailan, iniulat ang pamamaga ng bahagi ng bulkan na indikasyon ng pag-angat ng magma, dagdag na babala sa posibleng mas malakas na aktibidad.
Maaaring maapektuhan ng ashfall ang mga bayan ng La Castellana, La Carlota, Bago, at Canlaon City, na magdudulot ng panganib sa kalusugan at kabuhayan.
Dahil dito, patuloy na pinaaalalahanan ang mga residente na gumamit ng proteksiyon laban sa abo at makinig sa mga opisyal na abiso ng PHIVOLCS at lokal na pamahalaan.
















