-- Advertisements --

Arestado ang walong Chinese nationals matapos salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang hinihinalang POGO hub sa Ayala Alabang na ginamit din bilang illegal detention cell.

Ayon kay NBI-National Capital Region Director Joel Tovera, nagkasa sila ng operasyon matapos makatanggap ng distress call mula sa isang biktima na dalawang linggo nang bihag sa naturang lugar.

Sa pagsalakay, positibong itinuro ng nasagip na dayuhan ang dalawang suspek na nanakit, nanutok ng baril, at kumuryente sa kanya.

Bukod sa dalawang pangunahing suspek, dinampot din ang anim na iba pa na naaktuhang nagpapatakbo ng POGO-like office nang walang kaukulang dokumento.

Sasampahan ang mga ito ng kasong serious illegal detention habang isinailalim na sa pagsusuri ng digital forensic team ang mga nakumpiskang computer na naglalaman ng ebidensya ng paglabag sa batas.